
Sugatan ang isang rider at ang angkas nito matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na kotse sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Bacag, Villasis, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng 31-anyos na rider ang northbound lane sakay ng motorsiklo nang makabanggaan nito ang isang kotse na minamaneho ng 84-anyos na lalaki.
Sinubukan umano ng driver ng kotse na kumaliwa upang pumasok sa isang establisimyento nang makasalpukan nito ang motorsiklo sa outer lane ng northbound direction.
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat ang rider at ang kanyang 37-anyos na angkas.
Agad silang isinugod sa pagamutan sa Urdaneta City para sa agarang lunas. Hindi naman nasugatan ang driver ng kotse.
Kapwa nagtamo ng pinsala sa harapang bahagi ang dalawang sasakyan, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.










