Motorcycle taxi TWG, pinuna ng commuter safety advocate sa pagdinig ng Kamara

Tila wala umanong silbi ang Motorcycle Taxi Technical Working Group o MC-TWG na pinamumunuan ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board o LTFRB dahil bigo umano itong tugunan ang mga hinaing at alalahanin kaugnay sa motorcycles-for-hire.

Sinabi ito ni Atty. Ariel Inton, kinatawan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection sa pagdinig ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo Rep. Romeo Acop.

Ang MC-TWG ang tumututok sa operasyon ng mga pumapasadang motorsiklo sa ilalim ng pilot study na sinimulan noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.


Hiling ni Inton sa Kongreso, siliping mabuti ang binuong MC-TWG na para sa kaniya ay walang legal personality dahil hindi makapagpasya sa mga reklamo at sa oras na magpasya ay hindi naman makapagpatupad.

Pero sabi ni Congressman Acop, ang pagbuo ng TWG ay batay sa House Resolution 2449 at habang wala pang batas ay pinapayagan ang Department of Transportation sa pamamagitan ng LTFRB na bumuo ng TWG para sa pagsasagawa ng pilot study.

Bunsod nito ay inatasan naman ni Acop si LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na isumite sa Kamara ang resulta ng pilot study na dapat ay natapos na noon pang 2021.

Facebook Comments