MOTORISTA AT PASAHERONG WALANG HELMET, ARESTADO MATAPOS MANLABAN SA CHECKPOINT SA SISON

Arestado ang isang motorista at kanyang pasahero matapos umanong manlaban sa mga pulis sa isang checkpoint sa Brgy. Amagbagan, Sison, Pangasinan noong hapon ng Marso 29, 2026.

Ayon sa Sison Municipal Police Station, pinara umano ang motorsiklo na sakay ang isang lalaking drayber at babae nitong backrider dahil wala silang suot na helmet.

Matapos suriin, napag-alamang walang lisensya ang drayber at kapwa pa sila nasa impluwensya ng alak.
Nang isyuhan ang dalawa ng ticket, tinangka umanong suhulan ng drayber ang pulis, habang ang pasahero naman ay nagwala, nagbitiw ng masasakit na salita at kinuwestiyon ang awtoridad ng mga on-duty personnel.

Nakiusap pa umano ang kapulisan na kumalma ang dalawa ngunit nagpatuloy ang kanilang agresibong asal hanggang sa tuluyan silang arestuhin.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 151 at Article 212 ng Revised Penal Code, pati na sa RA 10054 o Motorcycle Helmet Act, na may piyansang aabot sa ₱36,000 para sa drayber at pasahero nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments