Motoristang Aksidenteng Natumba, Nasagasaan!

Alicia, Isabela – Aksidenteng natumba ang isang motorista at nasagasaan sa kahabaan ng Alicia-San Mateo Road ng Barangay Sto. Domingo, Alicia, Isabela sa oras na alas syete ng gabi ng martes, Marso bente, taong kasalukuyan.

Kinilala ang biktima na si Jerry Hupana Gamis, trentay otso anyos, may asawa, isang drayber at residente ng Barangay Sto. Domingo, Alicia, Isabela na sakay ng kanyang itim na Honda Wave 100 motorcycle.

Samantala ang Nissan Pick-up na kulay maroon na nakasagasa kay Gamis ay minamaneho ni Lemar Duaman Pingaron, bente tres anyos may asawa at residente ng Barangay Dagupan, Alicia, Isabela.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng PNP Alicia sa pamamagitan ni Investigative Officer Chief PO2 Jayson M. Pascual, napag-alaman sa naging saksi ng pangyayari na si Leonardo Sumalbag Dela Cruz kung saan una umanong binabaybay ng isang hand tractor na may trailer,  ang kahabaan ng Alicia-San Matero Road, sinusundan ito ng motor ni Gamis at nasa huli ang Pick-Up.

Sa lugar ng pinangyarihan, aksidenteng natumba ang motor ni Gamis sa gitna ng daan at tumilapon mula sa motor kung saan hindi napansin ng sumusunod na Pick-up na umanoy nasa mahi’t kumulang na limang daang metro ang layo at aksidenteng nasagasaan si Gamis na nakahandusay sa daan.

Sa resulta nagtamo ng sugat si Gamis sa ibat ibang bahagi ng katawan at itinakbo agad ng Alicia Rescue 531 sa Tomas Cacal Hospital, ngunit binawian ng buhay pagkalipas ng ilang oras.

Nasa kostodiya na ng Alicia PNP ang motor at pick-up para sa karagdagang imbestigasyon ng nasabing pangyayari.

Facebook Comments