Motorsiklo, Sinalpok ang Sasakyan ni Kapitan!

Naguilian, Isabela- Sugatan ang dalawang lalaki matapos bumangga ang sinasakyan ng mga itong Kawasaki Rouser 150 sa isang Toyota Innova sa Barangay Palattao, Naguilian, Isabela dakong alas sinko y medya kahapon, Pebrero 01, 2018.

Kinilala ang may-ari ng motorsiklo na si Boni Mart Pasion, 23 anyos at residente ng Barangay Magsaysay, Naguilian, Isabela, samantalang nakilala naman ang may-ari at drayber ng nasabing Multi Utility Vehicle (MUV) na si John Bello, 62 anyos, Barangay Captain at residente naman ng Barangay Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Naguilian, binabaybay umano ni Pasion ang kahabaan ng National Highway sa Barangay Palattao sa naturang lugar patungong hilagang direksyon, nang makita niya sa kanyang harapan ang inakalang nakahintong sasakyan ng kapitan.


Laking gulat na lamang umano nito ng biglang kumaliwa ang nasabing MUV.

Hindi na umano nagawang makaiwas ng biktima kung kaya’t nasapul nito ang harapang bahagi ng Innova.

Nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Pasion kasama ang back ride nito na kinilalang si Darwin Namit, 18 anyos, pawang ka-barangay din ng biktima, na kapwa isinugod ng mga rumespondeng operatiba ng Rescue 831 sa Gov. Faustino Dy Sr. Memorial Hospital sa Ilagan.

Nagkasundo naman ang magkabilang panig na magtutulungan na lamang sa gastusin sa pagpapagamot at pagpapaayos ng kanilang mga sasakyan.


Facebook Comments