Isang tahimik na umaga ang biglang nayanig sa Barangay Zone III sa bayan ng Bayambang, matapos bumangga ang isang motorsiklo sa harap mismo ng istasyon ng pulisya, dahilan upang masira ang salamin ng gusali at magdulot ng pinsala sa dalawang sakay nito.
Mag-aalas sais ng umaga, isang motorsiklo ang humahagibis sa kahabaan ng national road patungong hilaga.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, bigla itong lumiko pakaliwa patungong Bayambang-San Carlos Road, nang hindi bumabagal. Sa lakas ng liko, diretso itong bumangga sa salamin ng police community precinct (PCP) at nasalpok din ang isang motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada.
Ang driver, isang 19-anyos na lalaki na walang lisensya at umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak at hindi rin nakasuot ng helmet. Sakay niya ang isang 20-anyos na babae.
Pareho silang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at agad na isinugod ng mga rumespondeng awtoridad sa Bayambang District Hospital para sa agarang lunas.
Parehong nakitaan ng pinsala ang dalawang motorsiklo. Ang driver, angkas, at mga sasakyan ay dinala sa Bayambang Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at aksyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









