Motu Propio Investigation sa nangyaring misencounter ng QCPD at PDEA, sa susunod na linggo na isasagawa

Posibleng sa susunod na linggo na itakda ang motu proprio investigation kaugnay sa nangyaring “misencounter” ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers, humihingi na siya ng permiso sa liderato ng Kamara na isagawa ang pagdinig sa Lunes o kaya sa Martes ng susunod na linggo.

Aalamin sa isasagawang congressional inquiry “in aid of legislation” ang alegasyon ng “sell bust” upang hindi na maulit ang kahalintulad na kaso kung saan dalawang pulis, isang ahente ng PDEA at isang informant ang nasawi.


Bukod kay Barbers, maghahain naman ng resolusyon si Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo para silipin ang misencounter na nangyari sa kanyang distrito.

Tututok ang imbestigasyon sa paglilinaw sa nakapaloob sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nakasaad sa batas na ang PDEA ang siyang lead agency sa pagpapatupad ng nasabing batas habang ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies ang siya namang katuwang sa pagsasagawa ng anti-drug operations sa pakikipag-ugnayan sa PDEA.

Kapwa naniniwala ang mga kongresista na kung may koordinasyon ang dalawang ahensya ay hindi sana mauuwi sa madugong engkwentro ang dapat sana ay anti-drug operation.

Facebook Comments