Nasa legal department na ng Philippine National Police (PNP) ang kopya ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng PNP at sa production staff ng “Ang Probinsyano”.
Kasunod na rin ito ng ginawang pagpupulong kahapon ng PNP-Community Relations Department kaugnay sa umano’y paglabag ng nasabing teleserye matapos mag-trending sa social media ang “gang rape” sa dalawang unipormadong mga babaeng pulis.
Sa interview ng RMN Manila kay PNP acting Spokesperson Police Lieutenant Colonel Kimberly Molitas, sisilipin ng kanilang legal team ang nilagdaang MOU sa production staff ng “Ang Probinsyano” para sa kaukulang aksyon.
Nakasaad sa MOU sa pagitan ng PNP at ABS-CBN na hindi na sisirain muli ang imahe ng kapulisan sa mata ng publiko.
Idinagdag pa nito na sakaling mapatunayan na may nilabag na naman ang naturang programa ay malaki ang posibilidad na bawiin nila ang kasunduan.