Upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng venue ng inagurasyon nang nanalong Pangulo ng Bansa na si Dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Oras na ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan ng MPD sa loob at labas National Museum.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, ngayon pa lamang ay inabisuhan niya ang kaniyang mga tauhan na manatiling alerto anumang oras habang nagbabantay sa bisinidad ng National Museum maging sa ibang lugar na malapit dito.
Sa araw naman ng inagurasyon, tinatayang nasa 7,000 hanggang 8,000 pulis ang ipapakalat para masigurong maayos ang lahat sa loob at labas ng National Museum gayundin sa kapaligiran nito.
Sinabi pa ni Gen. Francisco, mayroong 4,400 na pulis ang MPD at lahat na iyan ay kanyang idi-deploy sa araw ng inagurasyon ng Pangulong Marcos.
Maliban sa pulis ng Maynila may inaasahan din na karagdagang puwersa mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa Philippine National Police (PNP) national headquarters na tinatayang mahigit sa 3,000.
Dagdag pa ni Gen. Francisco, nakatakda rin isara ang ilang kalsada at mga kalye sa paligid ng National Museum kung saan magkakaroon ng rerouting ang mga sasakyan kaya’t humihingi ng pang-unawa ang mga awtoridad sa mga motorista.
Sa kasalukuyan, wala pa naman natatanggap na ulat na may banta sa araw ng inagurasyon kaya’t umaasa ang MPD na magiging maayos ang inagurasyon ng nanalong pangulo ng bansa.