Nanganganib na makulong ng hanggang anim na buwan at magmulta ng P5,000 ang mga pabayang magulang ng mga menor de edad na tinaguriang wiper boys sa Maynula.
Ito’y ayon kay Manila Police District (MPD) Spokesman Police Major Philip Ines kasunod ng pagkakahuli sa Sampaloc ng anim na indibidwal kasama ang apat na menor de edad na tinaguriang wiper boys.
Sinabi ni Ines na ang nasabing parusa sa ilalim ng Revised Ordinance 8243 o Child Endangerment Ordinance ng Maynila.
Kapag 12 taon pababa ang mahuhuling menor de edad sa ika-apat na pagkakataon ay pwede nang makulong ng anim na buwan at magmulta ng P5,000.00 ang pabayang magulang.
Kung 13 hanggang 14 gulang naman ang menor ay makukulong ng tatlong buwan at multang P3,000 ang pabayang magulang.
Habang P2,000 multa at isang buwan na pagkakakulong ang magulang ng edad 15 hanggang 17-anyos.
Iginiit ni Ines na hindi katanggap-tanggap ang katwirang matigas ang ulo ng bata dahil obligasyon ng magulang na tiyaking mahuhubog nang maayos ang ugali at gawi ng anak.
Napag-alaman na mula Enero hanggang April 15 ay umabot na sa 4,122 ang menor de edad na pagala-gala sa kalsada kasama ang ilang wiper boys ang nailigtas ng MPD at Manila Department of Social Welfare kung saan ang mga bata ay dinala sa tanggapan ng MDSW sa Delpan.