Maghahain na rin ng courtesy resignation si Manila Police District (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre Dizon bilang pagsunod sa panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Sa pahayag ni Dizon, ito ang napagkasunduan ng mga heneral at mga colonels sa ginanap na “command conference” kahapon sa Philippine National Police (PNP) National Headquarters sa Camp Crame.
Suportado umano nila ang layunin na masala ang kanilang hanay at matukoy talaga kung sino ang mga sangkot o protektor ng iligal na droga sa PNP.
Sinabi niya na posibleng may mga intelligence report nang nakarating sa kanila ukol sa pagkakasangkot ng ilan nilang kasamahan na opisyal kaya’t dahil dito ay itinulak ng DILG ang boluntaryo nilang pagbibitiw.
Habang nakahain naman umano ang resignation, maaari pa rin nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin.
Ngunit hindi rin itinanggi ni Dizon na bahagyang nagkaroon ng “low morale” sa kanila ang naturang pangyayari.
Umaasa naman sila na magiging patas ang magiging assessment sa kanila ng bubuuing komite na sasala sa kanilang trabaho.
Wala namang ibinigay na eksaktong petsa kung kailan magsusumite ng courtesy resignation si Dizon dahil abala pa ito sa paghahanda para sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Poong Nazareno.