MPD, handa na sa gagawing seguridad sa nalalapit na Chinese New Year

Nakahanda na ang buong pwersa ng Manila Police District (MPD) sa gagawing seguridad sa nalalapit na Chinese New Year.

Sa pakikipag-ugnayan ng DZXL Radyo Trabaho kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon, sinabi nito na nasa 3,200 na pulis ang ipapakalat sa buong bahagi ng China Town o sa Binondo.

Ito’y mula January 20 hanggang January 22, 2023 o sa araw mismo ng Chinese New Year.


Partikular na tututukan ng MPD ang inilatag na aktibidad tulad ng Food Festival sa Plaza Ruiz, Dragonboat Festival, Solidarity Parade at Fireworks Display.

Sinabi pa ni Dizon na magkakaroon ng pansamantalang sarado ng kalsada sa paligid ng Binondo upang bigyan-daan ang parade pero hindi naman ito magtatagal.

Nais ng opisyal na masiguro ang kaligtasan ng mga magtutungo sa Bindondo para makiisa sa Chinese New Year lalo na sa pagsalubong nito.

Sisiguraduhin ni Dizon na magiging maayos at payapa ang pagdiriwang kasabay na rin ng paalala sa publiko na mag-doble ingat pa rin sa pagpunta sa China Town.

Kaugnay nito, magkakaroon ng send-off ceremony ang MPD mamayang hapon para sa mga personnel nila na magbabantay sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Facebook Comments