MPD, humiling ng karagdagang pwersa para sa pagbabantay sa Tondo-District 1 na nasa ilalim ng lockdown

Nasa 250 PNP-SAF o Special Action Force ang ipinakalat sa Tondo District-1 na nasa ilalim ng lockdown simula pa kahapon ng alas-5:00 ng umaga.

Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Rolando Miranda, hiniling niya sa National Capital Region Police Office o NCRPO ang pagdaragdag ng pwersa ng PNP-SAF para magbantay sa buong district 1 ng Tondo katuwang ang kaniyang tauhan at mga sundalo mula sa AFP-Joint Task Force NCR.

Bukod dito, gagamitin din ang dalawang bagong multi-purpose assault vehicle ng PNP-SAF sa pagpa-patrolya para masiguro ang seguridad.


Dagdag pa ni General Miranda na nais nilang iparating sa mga residente ng Tondo District-1 ang mensahe na seryoso ang ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa ipinapatupad na lockdown upang hindi na tumaas pa ang bilang ng kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa lungsod.

Aabot naman na sa 204 ang nahuling lumabag sa 48-hours lockdown na kasalukuyang nananatili sa temporary holding area sa mga covered court ng Barangay 116, 151, 105, 28, 32, 37, 55 at 96.

Nasa 1,409 naman na mga residente ang sumailalim sa rapid mass testing na isinagawa sa Rosauro Almario Elementary School, Jose Rizal Elementary School, Timoteo Paez Integrated School at Tondo High School na nagsilbing COVID-19 Testing Centers kung saan 109 ang nagpositibo sa virus.

Facebook Comments