MPD, magsasagawa ng send-off ceremony para sa mga pulis nila na itatalaga sa BSKE

Nakahanda na ang Manila Police District (MPD) para sa kanilang magiging trabaho kaugnay sa October 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay MPD Chief Police Brig. Gen. Andre Dizon, bukas, August 26 ay magkakaroon sila ng “send-off ceremony” sa MPD headquarters sa Ermita, Maynila para sa mga tauhan na magiging bahagi ng operasyon para sa nasabing halalan.

Sinabi pa ni Dizon na may mga kasama rin sila na personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force-National Capital Region, Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP).


Sa August 27 naman, sisimulan ang pag-activate ng mga Commission on Elections o COMELEC checkpoints.

Dagdag pa ni Dizon, sa August 28 ay mahigpit nilang babantayan ang paghahain ng certificate of candidacy o COC ng mga kakandidato sa naturang eleksyon.

Paalala ni Dizon sa mga pulis-Maynila, tumalima sa mga patakaran at regulasyon ng Comelec at mahalagang maging “apolitical o non-partisan.”

Aniya, dapat na isaisip din ng mga pulis-Maynila na ang pangunahing misyon nila ay ang maayos na pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan kung saan huwag ng makisawsaw sa politika.

Facebook Comments