Nagsagawa ng mobile at ocular inspection ang Manila Police District (MPD) sa paligid ng Chinatown District bilang paghahanda pa rin sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ayon kay MPD Director PBrig. General Andre Dizon, mandatory ang pagsusuot ng face mask sa mga magtutungo sa Chinatown District.
Dagdag pa ni Dizon, walang gun ban at liquor ban na ipinatutupad ngayong Chinese New Year.
Pagdating naman aniya sa mga pagpapaputok ng fireworks, ang Manila Chinatown Development Council aniya ang siyang magkokontrol.
Inaasahan din ng MPD na libo ang dadagsa sa Binondo dahil sa inihandang food festival, fireworks display, dragon boat competition, solidarity parade at cultural show na inihanda ng mga Filipino-Chinese at mga Chinese businessman.
Nauna nang sinabi ni Dizon na nasa 3,200 MPD personnel ang kanilang ipapakalat sa Binondo area para sa magbantay sa seguridad ng publiko.