Nagdagdag na ng mga tauhan ang Manila Police District (MPD) sa loob at labas ng Manila North Cemetery.
Ito’y upang paghandaan ang inaasahang pagdagsa ng publiko bago ito pansamantalang isara sa October 29.
Nais ng MPD na masigurong masusunod ang mga patakaran tulad ng hindi pagpapasok sa mga menor de edad at mga 65 anyos pataas bukod pa sa mga bagay na ipinagbabawal sa loob ng sementeryo.
Kasama rin sa gawain ng MPD na masigurong masusunod ang inilatag na health protocols sa ilalim ng Alert Level 3 na ipinapatupad sa Metro Manila dahil sa COVID-19.
May paalala naman ang pamunuan ng Manila North Cemetery hinggil sa oras ng huling araw ng pagbisita sa naturang sementeryo bago ito pansamantalang isara.
Sa kanilang abiso, isasara na ang sementeryo ng alas-5:00 ng hapon ng Huwebes kung saan alas-4:00 ng hapon ay papasok na sa loob ang mga otoridad upang umikot sa palabasin na ang mga dumadalaw.
Hindi na rin papayagan ang nais mag-overnight kahit pa may sarili silang museleo sa loob ng Manila North Cemetery.