Gumagamit na ng body camera ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isinasagawa nilang operasyon.
Ayon kay Police Brigadier General Leo Francisco, 16 na body camera ang naka-deploy sa bawat istasyon ng pulisya sa Maynila.
Apat dito ay naka-live at 12 ang nakatutok upang mag-record ng bawat pangyayari.
Direkta naman napapanood sa live stream ng Punong Tanggapan ng Chief PNP ang operasyon ng Manila Police District (MPD) gaya ng pagsisilbi ng warrant of arrest at search warrant.
Bukod dito ay mayroon ding dalawang command center kung saan napapanood ng live ang operation habang mayroon ding docking station kung saan ilalagay ang lahat nang nairekord ng mga pulis.
Dagdag pa ni Gen. Francisco, kung ano ang sequence ng mga pangyayari ay buong-buo itong ilalagay sa docking station, hindi maaaring burahin, i-chop-chop, bawasan o dagdagan dahil nakarekord ang bawat kilos sa bawat segundo o oras at petsa.
Dire-diretso ang live stream at nagkakaroon lamang ng problema kapag humina o nawalan ng communication signal o na-low battery pero may back-up camera naman na magpapatuloy sa recording at pagkuha ng footages.
Sinabi pa ni Gen. Francisco na sa ngayon ay may hinihintay pa silang guidelines mula sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) hinggil naman sa paggamit ng mga bodycam partikular sa mga specific sector na dapat ay maingatan tulad ng mga menor de edad at mga kababaihan.