MPD, pinaalalahanan ang mga magkikilos protesta na huwag maging pasaway sa Araw ng Kalayaan

Pinaalalahan ng Manila Police District (MPD) ang mga magkakasa ng kilos protesta sa Maynila na sumunod sana sa mga inilatag na patakaran at huwag maging pasaway.

Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, huwag sanang babuyin ng mga magkikilos protesta ang mga paligid ng Maynila kung saan huwag din sana silang maging dahilan ng pagsikip ng daloy ng trapiko.


Huwag din sana silang magsimula ng kaguluhan upang maging maayos ang mga ikakasa nilang protesta habang nakabantay ang mga otoridad.

Aniya, nasa 1,300 na tauhan ng MPD ang kanilang idineploy upang magbantay at masigurong payapa ang mga lugar sa Maynila na pagdarausan ng mga programa at aktibidad may kaugnayan sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.

Bukod dito, pinapayuhan rin ni Dizon ang mga motorista na maghanap ng mga altenatibong daanan lalo na’t sarado ang ilang mga kalsada malapit sa Luneta.

Partikular na sarado ang Southbound ng Katigbak Parkway hanggang Southdrive maging ang Independence Road at mula Kalaw hanggang Padre Burgos Avenue na magtatagal hanggang alas-10:00 ng umaga.

Patuloy pa rin magbabantay ang MPD kahit pa masama ang lagay ng panahon upang masiguro na nasa maayos ang lahat at walang magiging problema sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.

Facebook Comments