Pinayuhan ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang mga tauhan nito partikular ang mga nag-duty sa katatapos lamang na Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno na obserbahan ang kanilang sarili partikular ang kalusugan.
Ito ang naging pahayag ni MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, kasunod ng panawagan ng Department of Health (DOH) sa mga deboto na nagtungo sa mga simbahan na mag-self quarantine.
Ayon kay Francisco, ipag-uutos niya sa lahat ng Station Commander ng MPD na obserbahan ang kalusugan ng kanilang mga tauhan na sumama sa nasabing pista.
Aniya, sakaling magkaroon ng sintomas ng COVID-19 ang mga pulis na nagbantay sa Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno, agad nila itong isasailalim sa quarantine.
Umaasa rin ang opisyal na walang magiging problema sa kalusugan ang kanilang mga tauhan kung saan sinabi nito na naging tahimik at walang anumang insidente ang naitala sa katatapos na pista.
Agad naman ibinalik ang ipinapatupad na curfew sa lungsod ng Maynila matapos ang pista ng Poong Itim na Nazareno.