Manila, Philippines – Tiniyak ni MPD Spokesman P/ Supt. Erwin Margarejo na malalaman ng publiko ang mga narekober nila sa Aegis Juris Library kung magagamit na ebidensiya laban sa mga sangkot sa pagkamatay kay Horacio Atio Castillo III.
Ayon kay Margarejo nag-iingat lamang ang MPD sa kanilang mga ginagawang hakbang upang hindi masayang ang kanilang mga pinaghihirapan para makakuha ng matitibay na ebidensiya.
Una rito nagpalabas ng Search Warrant ang Manila Regional Trial Court kahapon upang pahintulutan ang mga operatiba ng MPD na magsagawa ng pagsaliksik sa loob ng Aegis Juris Library na pinaniniwalaan na doon isinagawa ang hazing na ikinamatay ni Atio.
Paliwanag ni Margarejo dapat unawain ng publiko kung bakit hindi muna nila ihahayag kung magagamit ba na ebidensiya ang kanilang mga narekober sa loob ng Aegis Juris Library.
Ayaw munang kumpirmahin ni Margarejo kung mayroon mga patak ng dugo, kandila at mga paddles silang narekober sa Aegis Juris Library upang hindi mabulelyaso ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Pero makatitiyak umano ang publiko na wala silang itinago dahil ilalantad din nila ang lahat ng mga ebidensiya na kanilang nakuha sa tamang panahon.