Nilinaw ng Manila Police District (MPD) na naaayon sa batas at guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang ginawa nilang mga hakbang laban sa mga manggagawang nagkilos-protesta kahapon kaugnay ng Labor Day.
Ito’y matapos na sabihin ng mga lider ng grupo ng mga manggagawa na nalabag umano ang kanilang karapatan na magpahayag ng kanilang mga saloobin.
Ayon kay MPD Director Police Brig. General Leo Francisco, kasalukuyang nasa ilalim pa rin ng Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR) at mga katabing lalawigan kung saan ipinagbabawal ang mass gathering base na rin sa direktiba ng IATF dahil sa COVID-19 pandemic.
Ito’y upang maiwasan ang paglaganap ng virus at huwag maging super spreader ang pagsasagawa ng rally.
Sinabi ni Francisco na maaga pa lamang ay nakiusap na sila sa mga raliyistang nagtipon sa Liwasang Bonifacio at sa bahagi ng España Boulevard kung saan kanila itong pinaalis at pinapunta ng Mabuhay Rotonda sa Quezon City.
Dagdag pa ng opisyal, kinikilala nila ang kahalagahan at ambag ng mga manggagawa sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa lalo na ngayong may COVID-19 pandemic.
Pero alalahanin daw sana ng mga nagkikilos-protesta na ginagawa lamang ng MPD ang kanilang trabaho upang mapangalagaan at huwag kumalat ang sakit sa mga lugar na kanilang nasasakupan.