Simula sa Lunes, gagawin nang 30 percent ng Metro Rail Transit (MRT) Line-3 ang passenger capacity ng mga tren.
Nangangahulugan na aabot sa 372 na pasahero na ang papayagang makasakay kada train set.
Ito’y mula sa dating 13% na passenger capacity o 153 na pasahero kada tren.
Alinsunod na rin ito sa rekomendasyon ng Economic Development Council sa Department of Transportation (DOTr) na itaas na ang passenger capacity sa railways sector bilang bahagi ng muling pagpapaandar sa ekonomiya sa gitna ng pandemya.
Nangako ang MRT-3 management na magdi-deploy ng dagdag na train sets ngayong itinaas na ang kapasidad.
Unang nang nakapag-deploy ng 22 na tren sa mainline at itinaas na rin ang train speed mula 30kph patungong 40kph matapos na mailatag ang mga bagong new long-welded rails.
Paiigtingin naman ang mga umiiral na health at safety protocols o ang 7 Commandments ng mga health experts katulad ng tuloy-tuloy na disinfection, pagsusuot ng face masks at face shields, at pagbabawal sa pakikipag-usap gamit ang mga communication gadget.