Pinaigting ngayon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) ang seguridad sa mga nasasakupang lugar ng rail line upang hindi na maulit ang insidente ng bandalismo.
Ayon kay MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje, nagtalaga na sila ng sariling security unit ng nagmo-monitor sa guards augmentation at pagsasaayos ng mga bakod palibot sa nasasakupan ng MRT-3.
Nagsimula na rin aniyang magpatrolya ang apat na itinalagang foot tracks guards sa mga istasyon ng Taft hanggang Magallanes.
Dagdag pa rito, mayroon ding idineploy na patrol car kung saan may mga nagmo-monitor na security officers para sa karagdagang seguridad sa nasabing lugar.
Matatandaang tumaas sa 750 mula sa dating 580 ang mga naka-deploy na security personnel sa MRT-3 na galing sa security provider ng linya na Kaizen Security Agency Corp.
Samantala, nasa 241 bagong CCTV units na ang naikakabit ng MRT-3 sa unang 11 istasyon nito, na umaagapay sa mga security personnel upang mabilis na makaresponde sa anumang krimen o sitwasyong nangangailan ng atensyon.