Nagpalabas ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng guidelines para sa ipatutupad na libreng sakay sa MRT-3 simula sa Lunes.
Ayon kay MRT-3 General Manager Mike Capati, libre para sa lahat ang pagsakay sa lahat ng tren ng MRT-3 simula ika-28 ng Marso hanggang ika-30 ng Abril.
Ito ay mula alas-4:00 ng umaga hanggang alas-10:10 ng gabi.
Para sa mga may hawak na stored value card, kailangan pa rin itong gamitin sa ticket gate papasok at palabas.
Habang ang mga wala nito ay kukuha ng single journey card sa mga ticket counter.
Tiniyak ni Capati na walang dapat maibawas sa stored value card at kung makaltasan man ay dapat i-report ito sa mga ticket counter.
Dapat namang ingatan ang mga single journey card para hindi magmulta ng ₱50.
Mahigpit pa ring ipatutupad ang mga health protocol tulad ng pagkuha ng temperatura, pagbabawal sa pagsasalita, pagkain, pag-inom at pagsagot sa tawag sa telepono.
Nasa 20 train sets ang bibiyahe sa Lunes, dalawa rito ay 4 na car train sets na unang beses na gagamitin sa kanilang operasyon.