Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng linya ng Metro Rail Transit o MRT-3 sa pagsisimula ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) ngayong araw, ika-6 ng Agosto, na magtatagal hanggang ika-20 ng Agosto 2021.
Ayon sa DOTr, mahigpit nilang imo-monitor ang ipatutupad ang nasa 30 percent ang passenger capacity ng mga tren, na may katumbas na 124 na pasahero kada train car o katumbas ng 372 na pasahero kada train set.
Paliwanag pa ng DOTr na tanging ang mga Authorized Persons Outside Residence o APOR lamang, na mayroong Inter-Agency Task Force o IATF-issued ID o iba pang ID na magpapatunay na sila ay APOR, ang pinahihintulutang makasakay ng mga tren.
Dagdag pa ng DOTr na patuloy pa rin ang pamamahagi ng pamunuan ng MRT-3 ng libreng sakay para sa mga APOR na nabakunahan ng isa o dalawang doses ng COVID-19 vaccine kung saan ay kinakailangan lamang magpakita ng mga ito ng kanilang vaccination cards sa security personnel sa mga istasyon.
Mahigpit ding ipinatutupad ang sumusunod na “7 Commandments” laban sa COVID-19 sa buong linya ng MRT-3, batay sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan:
1) Laging magsuot ng face mask at face shield;
2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;
3) Bawal kumain;
4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga pampublikong transportasyon;
5) Laging magsagawa ng disinfection;
6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19; at
7) Laging sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.