Mahigit kalahating porsyento nang nakukumpleto ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) na magdudugtong mula Quezon City hanggang Bulacan.
Base sa isang kalatas, inanunsyo ng MRT-7 management na dahil sa tuluy-tuloy na full blast construction work, nasa 58.95% nang nakukumpleto ang MRT-7 project noong Hunyo 2020.
Ang 22 kilometer railway transport ay magdudugtong din sa gagawing common station project na magsisilbing transport gateway ng mga train station ng MRT-3, Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at ng Metro Manila Subway project.
Sa oras na maging operational na, paiikliin nito ang oras ng biyahe mula Quezon City hanggang Bulacan ng hanggang tatlumpu’t apat na minuto.
Tinatayang mula 300,000 hanggang 850,000 na pasahero kada araw ang kayang serbisyuhan ng naturang rail line.
Umarangkada ang railway line activity matapos ibigay ng korte ang karapatan sa San Miguel Corporation at Quezon City government na magamit ang 20-hectares property sa Barangay Lagro na pagtatayuan ng gagamiting train depot.