Isang dokumento ang nakuha mula sa isang mapagkakatiwalaang source.
Ito umano ang dahilan ng sobrang higpit na pagpapatupad ng seguridad ng MRT.
Sa dalawang pahinang dokumento, nakatanggap ng email mula sa binansagan nilang “Guerrilla mail” ang Office of the General Manager kaugnay sa banta ng pambobomba sa apat na istasyon ng MRT noong January 03, 2019.
Dahil dito, kaagad daw na inalerto ng MRT Safety and Security Unit ang kanilang mga gwardiya sa lahat ng istasyon para pataasin ang seguridad at higpitan ang pag-iinspeksyon.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na ang pamunuan ng MRT sa PNP-CIDG Cybercrime Group upang matukoy ang nagpadala ng email.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP CIDG Cybercrime Group, lumalabas na gumamit ng virtual privacy network o VPN ang nagpadala ng email upang itago ang IP address ng sender.
Kahit na lumalabas na ang IP address ng sender na si Guerrila mail ay international-based naniniwala ang PNP Cybercrime Group na mula lang sa Pilipinas ang nagpadala ng email.
Sa pahayag pa ng nagbigay ng dokumento, mahigit isang linggo matapos ang pagpapadala ng bomb threat sa MRT nagkaroon ng pambobomba sa Jolo, Sulu.
Dahil dito, nabahala umano ng husto ang pamunuan ng MRT at isinagawa ang paghihigpit sa seguridad.
Sa inilabas naman na pahayag ng Department of Transportation o DOTr, humihingi sila ng paumanhin sa publiko dahil sa paghihigpit sa seguridad sa MRT.
Para sa kapakanan lang din anila ng publiko at pasahero ang kanilang isinasaalang-alang sa paghihigpit sa MRT.