Plano ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na maglunsad ng sarili nilang “Bike Patrol” para mas lalo pang matutukan ng kanilang mga traffic enforcer ang daloy ng trapiko sa lungsod ng Maynila.
Nabatid na nakatanggap ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng 70 bisikleta na donasyon mula sa MVP Group of Companies.
Ipapamahagi ang mga nasabing bisikleta sa mga street sweeper, MTPB Traffic enforcers at ilang tauhan ng Department of Public Services (DPS).
Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, 30 traffic enforcers nila ang makakatanggap ng libreng bisikleta na maaari nilang magamit sa pagpasok sa trabaho.
Ang iba namang traffic enforcers na mabibigyan ng bisikleta ay magpapatrolya sa mga lugar sa lungsod kung saan mabigat o masikip ang daloy ng trapiko.
Nagpasalamat si Mayor Isko Moreno sa mga donasyong bisikleta at umaasa siya na sa pamamagitan nito ay mas mapapabuti ng mga traffic enforcers ng MTPB ang kanilang trabaho.