MTPB personnel na nag-viral dahil sa pananakit sa kaniya ng isang babae, binigyan ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Binigyan ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang isang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nag-viral matapos itong saktan ng isang babaeng motorista.

Ang nasabing personnel ay kinilalang si Marcus Anzures na kung matatandaan ay ilang beses sinaktan ng sinita nitong si Pauline Mae Altamirano alyas Maria Hola dahil sa paglabag sa batas trapiko na kalaunan ay napag-alaman na isang drug courier.

Personal na inabot nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang plake ng pagkilala kay Anzures kasabay ng cash incentives.


Ayon kay Mayor Isko, ginawa nila ang parangal upang magsilbing inspirasyon at modelo ang ginawang pagsunod sa trabaho ni Anzures.

Umaasa ang alkalde na magdo-doble sikap ang iba pang tauhan ng MTPB at huwag silang matakot na gampanan ang kanilang trabaho hagga’t sila ay nasa tama.

Bukod dito, pinasasalamatan ng alkalde si Anzures gayundin ang iba pang tauhan sa iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan dahil sa magandang performance na kanilang ipinapakita sa trabaho.

Samantala, personal naman na inabot ni Mayor Isko ang mga donasyon na “vest” sa mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit kasabay ng pagkakaloob ng 22 tricycle na donasyon ng pribadong sektor para sa mga miyembro ng TODA sa Balut, Tondo.

Facebook Comments