Dinagsa ng ilang mga mananampalataya ang Quiapo Church sa Maynila ngayong unang Biyernes sa buwan ng Hulyo.
Nabatid kasi na lifted na ang ipinatupad na lockdown na pinairal sa simbahan sa loob ng higit dalawang Linggo.
Matatandaan na may isang pari ang bumisita ngunit naabutan ng Luzon lockdown at pansamantalang nanuluyan sa Quiapo Church na nagpositibo sa COVID-19 nang makauwi ito sa Mindanao.
Sa misang pinangunahan ni Reverend Monsignor Hernando Coronel, kanyang inihatid ang magandang balita na negatibo sa COVID-19 rapid test ang 81 na pari at empleyado ng Quiapo Church habang ang pari naman na bumisita ay magaling na at nasa Mindanao pa rin.
Dahil dito, nagpapasok na rin ng mga tao sa loob ng simbahan ngunit limitado pa rin sa sampu ang pinayagan na makapasok tuwing misa upang matiyak ang physical distancing.
Pagkatapos ng misa, nagpapapasok ng hanggang 50 katao para payagan makapag-dasal nang labinlimang minuto.
Ikinatuwa naman ng mga deboto ang muling pagbubukas ng Quiapo Church kahit pa may limitasyon dahil may banta pa rin ng COVID-19.