Muling pagbuhay sa Task Force Kontra Bigay, inaasahang maaaprubahan bukas ng COMELEC En Banc

Inaasahang maaaprubahan na bukas ng Commission on Elections (COMELEC) En Ban ang muling pagbuhay sa Task Force Kontra Bigay (TFKB).

Ayon kay Department of Interior and Local Government Unit (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya, noong 2019 pa nila iminungkahi ang naturang task force at ginamit din ito noong nagdaang midterm election.

Kabilang sa task force ang COMELEC, DILG, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Department of Justice (DOJ) at posibleng magsagawa na ang mga ito ng inisyal na pulong pagkatapos ng Holy Week.


Tututukan ng DILG at PNP ang paghuli sa mga lalabag sa Election Code kabilang na rin ang bumibili ng boto at pagkatapos ay ipapasa sa DOJ at COMELEC para sa prosecution at paghahain ng kaukulang kaso hanggang makarating ito sa korte.

Umaasa naman si Malaya na mabibigyang-pansin ang pag-uusig laban sa mga indibidwal na bumibili ng boto upang makita ng publiko na seryoso ang pamahalaan na labanan ang vote buying sa bansa sa tuwing may eleksyon.

Facebook Comments