
Matinding adjustment ang gagawin ng ilang motorista upang makasabay sa mataas na oil price hike bukas.
Sa panayam ng DZXL-RMN Manila kay Tatay Fernando Pagulayan, sinamantala na nitong magpa-full tank ng kaniyang tricycle na gagamitin sa pamamasada hanggang bukas.
Aniya, bukas ay magbabawas muna siya ng ikakargang gasolina sa kaniyang tricycle at magbabawas din ng bisyo.
Si Mike Espenilla naman, na araw-araw hinahatid ang anak sa eskuwela, ay mag-a-adjust din at hindi na gagamitin ang kaniyang sasakyan.
Samantala, ilang taxi at transport network vehicle service (TNVS) drivers na nakausap ng DZXL-RMN Manila, na tumangging humarap sa camera, ay hindi muna papasada tuwing rush hour upang makatipid sa gasolina.
Habang ang ilang riders naman ay papatayin muna ang makina ng kanilang motorsiklo kapag naabutan ng red light sa traffic light upang kahit paano ay makatipid.
Bukas ay inaasahan ang malakihang oil price hike na posibleng pumalo sa P15 kada litro.










