Resonable ang multang ipinataw ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) kasunod ng naranasang “bill shock” sa kuryente ng kanilang mga customer.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni Senate Committee on Energy Chairman Sherwin Gatchalian na bukod sa P19 milyong multa, magbibigay rin ang Meralco ng halos P1.9 per kilowatt hour na diskwento sa lifeline consumers.
Kaya kung susumahin, aabot aniya sa halos P300 milyon ang kabuuang penalty.
Samantala, sa panayam din kamakailan ng RMN Manila kay Meralco Spokesperson Joe Zadarriaga, sinabi nitong pag-aaralan muna nila ang utos ng ERC.
Pero payo ni Gatchalian, hindi na kailangang pag-aralan ng kompanya ang utos dahil ito na ang nasa resoluyon ng ERC.
Sakaling umapela, papayuhan umano niya ang ahensya na taasan na lang at maghanap pa ng ibang paraan para mapagmulta ang Meralco.
Nagbabala rin ang senador na posibleng matanggalan ng prangkisa ang Meralco kung hindi nito aayusin ang kanilang serbisyo.