Gagamitin na rin ng Philippine National Police (PNP) ang Multi-Purpose Center ng Camp Crame sa Quezon City bilang isolation ward ng mga PNP personnel na naka-duty sa mga quarantine facility.
Ayon kay Admin Support to COVID-19 Operations Task Force Commander Lieutenant General Camilo Cascolan, layon nitong hindi na magkahawa-hawa pa ang mga pulis sa COVID-19.
Kahapon ininspeksyon ni Cascolan ang Multi-Purpose Center para matukoy ang kahandaan ng pasilidad.
Inaasahang gagamitin ang pasilidad na ito para i-quarantine ang mga miyembro ng Medical Reserve Force (MRF) at Reactionary Standby Support Force (RSSF) na nakatalaga sa Philippine International Convention Center (PICC) step-down facility at ultra-quarantine facility sa Pasig City.
Batay sa guidelines, dapat i-quarantine bago at matapos mag-duty ang mga MRF at RSSF na naka-assign sa dalawang pasilidad na pinapangasiwaan ng PNP.
Giit ni Cascolan, mahalagang ma-quarantine ang mga ito para hindi sila makahawa sa kanilang mga pamilya.
Sa record, 22 RSSF ang naka-assign sa ultra-quarantine facility habang 37 RSSF ang nagbabantay sa PICC quarantine facility.