Isang napakalaking biyaya ang natanggap kamakailan ng isang malayong bayan sa Quezon na madalas masalanta ng malalakas na bagyo.
Ito’y makaraang pormal na simulan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR ang pagpapatayo ng dalawang multi-purpose evacuation centers sa dalawang barangay sa bayan ng San Andres.
Itatayo ang mga naturang evacuation centers sa Barangay Camflora at Barangay Mangero, kung saan libu-libong residente ng San Andres ang inaasahang makikinabang sa mga panahon ng kalamidad.
Ang groundbreaking ng MPEC projects sa mga nabanggit na lugar ay pinangunahan ni PAGCOR President and COO Alfredo Lim, kasama ang ilang matataas na opisyal ng ahensya.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa labindalawa ang napondohang evacuation centers ng PAGCOR sa bansa makaraang maunang tustusan ang pagpapatayo ng mga nasabing istruktura sa Ilocos Sur, Mountain Province, Albay, Camarines sur at Pampanga.
Naglaan ang ahensya ng kabuuang dalawang bilyong piso para sa proyekto.
Maliban sa multi-purpose evacuation centers, ang San Andres ay nakatanggap din ng isang modernong ospital na pinondohan ng Bloomberry Cultural Foundation.
Sa sandaling maitayo at magsimula ng operasyon, ang naturang pagamutan sa Sitio Yuyuan, Barangay Mangero ay tatanggap hindi lamang ng mga pasyente mula sa san Andres kundi maging sa mga kalapit na bayan.