Multi-year flood management infrastructure projects, ipinalalatag ng Kamara

Isinusulong ni Marikina Representative Stella Quimbo ang paglalatag ng isang multi-year flood management infrastructure projects sa bansa at pagpapataw ng mas mahigpit na parusa sa mga lalabag sa environmental laws.

Sa ilalim ng House Bill 8075 o Flood Management Act of 2020, inaatasan ang infrastructure committee ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na muling aralin ang kasalukuyang Flood Management Masterplan ng Metro Manila at kalapit na lugar.

Bubuo rin ng isang Inter-Agency Task for Flood Management na siyang tututok sa pagpapatupad ng naturang masterplan na pamumunuan ng NEDA Chief habang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang inatasan na magpatupad ng masterplan.


Mahaharap din sa matinding parusa ang mga mahuhuling lalabag sa environmental laws.

Ang mga sangkot sa illegal quarrying ay papatawan ng pagkakakulong ng 6 hanggang 12 taon at multa na P500,000 hanggang P5 million.

Samantala, P500,000 hanggang P2 milyon naman ang ipapataw sa mga illegal loggers bukod pa sa parusa na nakasaad sa Revised Penal Code.

Inihihirit din ng Marikina solon na itaas sa Salary Grade 18 o katumbas ng P42,159 ang entry level salary ng mga forest rangers.

Facebook Comments