CAUAYAN CITY – Isinagawa ang isang pagpupulong sa pagitan ni Gobernador Manuel Mamba ng Cagayan at mga investor at kinatawan ng Adani Group, isang multinational corporation na mula sa India.
Ang Adani Group ay isang malawak na kumpanya na may iba’t ibang proyekto kabilang na ang mga infrastructure, transportation and logistics, renewable energy and utilities, at marami pang iba.
Ayon kay Gov. Mamba, ang Cagayan International Gateway Project (CIGP) ay isa sa kanilang pangunahing proyekto, na kinabibilangan ng pagtatayo ng International Airport at Seaport, pati na rin ang pagpapalawak ng renewable solar energy na malaking tulong sa lahat ng sektor ng lalawigan ng Cagayan.
Ipinahayag din ng gobernador na malaking tulong ang pagsuporta ng Adani Group sa mga proyekto at inisyatibang magbibigay daan sa pag-unlad at pagbuti ng kabuhayan sa buong lalawigan.