Cauayan City, Isabela- Nilagdaan ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang Executive order no.32 na pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine sa Tuguegarao City sa loob ng isang buwan dahil sa lumolobong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa kabila nito, hihintayin pa rin ang pagsang-ayon ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) sa mungkahi ng Gobernador.
Ayon kay Mamba, nababahala ito sa patuloy na paglobo ng mga tinatamaan ng sakit kung saan hindi bababa sa sampu (10) ang mga kasong naitatala sa nakalipas na limang (5) araw.
Batay naman sa pahayag ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), possible pang madagdagan ang kaso kung saan 61% na mga barangay sa lungsod ay may naitala ng kumpirmadong kaso ng virus na pawang local at community transmission.
Nakasaad din na may kapangyarihan ang Provincial Governor batay sa Section 02 ng Executive Order No. 112 na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Iginiit pa ng gobernadora na sakaling maaprubahan ang kahilingan nito sa RIATF ay kaagad naman din itong ipapatupad kaakibat ng mas mahigpit na panuntunan upang labanan ang pagkalat ng virus.
Samantala, nababahala rin ang opisyal sa naitatalang dami ng kaso ng COVID-19 sa iba pang mga bayan gaya ng Solana na may 17 active cases, tatlo bawat bayan ng Peñablanca at Iguig na posible aniya na nakuha sa mga positibong kaso sa lungsod.
Sa ngayon ay may 89 na aktibong kaso virus sa Tuguegarao mula sa kabuuang 581 confirmed cases habang anim (6) na ang nasawi sa pagkalat ng virus.