Manila, Philippines – Naglatag ng mungkahing solusyon sa tumataas na inflation rate sina opposition senators Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes IV at kanilang leader na si Senator Franklin Drilon.
Pangunahin dito na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas para sa lahat kung saan dapat ay alisin din ang napakataas na NFA retailers’ fees sa mga supermarket para makapagbenta ng NFA rice.
Iginiit din ng Minority Bloc sa pamahalaan na itigil na huwag ng ituloy ang ikalawang bugso ng dagdag na buwis sa langis at ibaba ang Value Added Tax o VAT sa 10% mula sa kasalukuyang 12%.
Dapat din anilang itaas ang cash transfer sa lahat ng mahihirap at imbestigahan ang lahat ng alegasyon ng katiwalian, at panagutin sinuman ang maysala.
Binigyang diin ng minority Senators na sa pagpalo sa 6.7% ng inflation rate ay kailangan ang kongreto, at agarang solusyon nang walang halong pamumulitika.