Pabor si Presidential Spokesperson Harry Roque sa panukalang buwagin na lamang ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng alegasyon ng korapsyon sa ahensya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang PhilHealth dahil sa ibinunyag ng dating PhilHealth official na aabot ng P15 bilyon na corporate funds ang napunta lang sa korapsyon.
Inilahad ng resigned Anti-Fraud Officer na si Thorsson Montes Keith na ibinulsa lamang ng umano’y ‘mafia’ sa PhilHealth ang pondo.
Ayon kay Roque, isa sa may akda ng Universal Healthcare Act (UHC) noong siya ay mambabatas pa, mas mainam na bumuo na lamang ng bagong ahensya na papalit sa PhilHealth.
Naniniwala si Roque na mawawala ang korapsyon sa ahensya kapag pinalitan ang kasalukuyang state insurance agency.
Hindi maipatutupad nang maayos ang UHC kung hindi matanggal ang korapsyon sa PhilHealth.
Kumbinsido si Roque sa mga testimonya ni Keith.
Ang PhilHealth ay itinatag noong 1995 sa ilalim ng National Health Insurance Act na pinirmahan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, kung saan minamandato itong magbigay ng social health insurance coverage sa lahat ng Pilipino.