Iginiit ni Senator Leila de Lima na ang pag-require ng Philippine National Police (PNP) clearance para sa labor-related transactions ay paglabag sa karapatan ng isang tao, privacy ng kanilang personal information at ng kalayaan nila na sumali sa mga labor unions at organizations.
Duda si De Lima na ang tunay na layunin dito ng PNP ay para makakuha ng impormasyon mula sa mga empleyado at labor unions.
Dismayado rin ang senador dahil wala pa mang nagagawang krimen, ay gusto nang kunin ng PNP ang mga pribado at personal na impormasyon ng mga job applicants at mga labor union officers.
Pumaparaan umano ang PNP dahil hindi ito basta makakahingi ng data mula sa Department of Labor and Employment.
Punto ni De Lima, hindi pa ba sapat ang National Bureau of Investigation clearance para sa mga taong may pending na kaso o kaya may outstanding warrant?
Bukod dito ay ikinatwiran din niya na ang PNP clearance ay magiging dagdag pasakit, pahirap, at bayarin pa sa milyon-milyong Pilipino na ngayon ay naghahanap ng trabaho.