Handang sumunod ang Philippine Coast Guard (PCG) sa magiging direktiba ng nakatataas hinggil sa banta ng China na huhulihin nila ang mga dayuhang mangingisda sa West Philippine Sea.
Ito’y kasunod ng mga mungkahi na hulihin din ng PCG ang sinumang Chinese na papasok sa ating Exclusive Economic Zone.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PCG Spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na wala aniyang dahilan para hindi sila sumunod kapag nag-utos ang task force o ang mas nakatataas sa dapat aksyon laban sa sinumang mga nanghihimasok sa ating teritoryo.
Matatandaang nag-anunsyo ang China na magpapatupad sila ng unilateral fishing ban o moratorium sa WPS at huhulihin nila ang sinumang dayuhang mangingisda sa lugar.
Para kay Tarriela, isang harassment ito sa ating mga mangingisda at illegal detention sakaling ituloy ng China ang kanilang banta.