Pabor sina Senators Franklin Drilon, Sherwin Gatchalian at Joel Villanueva na mapalawig pa hanggang April 30 ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na magtatapos sa April 12.
Ang mungkahi ni Drilon ay base sa isinagawa niyang pag-aaral at konsultasyon bukod pa sa mga lumalabas na data na nagpapakitang ito ay epektibo.
Paliwanag naman ni Senator Gatchalian, kung sa April 14 pa lang gagawin ang mass testing ay makabubuting palawigin pa ng dalawang linggo ang ECQ.
Paliwanag ni Gatchalian, ito ay para may sapat na panahon na matukoy kung sino sa mga persons under monitoring (PUMs) at persons under investigation (PUIs) ang positibo sa coronavirus.
Katwiran naman ni Senator Villanueva, ang patuloy na tumataas na positibong kaso ng COVID-19 ay patunay na hindi pa ito matatapos.
Pero giit ni Villanueva, dapat hindi na saklawain ng pahahabaing lockdown ang mga sektor na may kinalaman sa produksyon at paghahatid ng pagkain.