Iginiit ni Barangay Health and Wellness Party-list Rep. Angelica Natasha Co na hindi pa handa sa trabahong pang-nurse ang mga 1st at 2nd year nursing students dahil puro “general education” subjects pa lang ang napag-aaralan nila.
Pagkontra ito ni Co sa ideya ng Department of Health (DOH) na payagan ang nursing students na nasa first year at second year na magtrabaho bilang nurse assistants o nurse aides sa mga ospital.
Kung mapilit ang DOH sa kanilang ideyang matugunan ang kakapusan sa mga nursing personnel sa mga ospital, ay nakikita naman ni Co na maaari ng isabak sa trabaho ang mga nasa third year at nursing graduates na hindi pa nakakapasa sa board exams.
Pero ayon kay Co, dapat ay magtakda ng qualifying practical exam na magkatuwang na isasagawa ng DOH at mga ospital na kukuha sa 3rd year nursing students.
Sinabi ni Co na dapat ay italaga ang mga undergraduates nursing students sa hindi kritikal na trabaho sa ospital at ang pag-aasikaso nila sa mga pasyente ay dapat pabantayang mabuti sa registered nurses.
Ikatlong mungkahi ni Co ay payagan na ring magtrabaho sa mga ospital ang mga nursing students na hindi pa nakapasa sa nursing licensure examination pero kailangang isailalim muna sila sa updated training.
Diin ni Representative Co, dapat tiyaking pananagutan ng DOH at ospital ang anumang magiging pagkakamali, o kapabayaan na gagawin ng nursing undergraduates at mga hindi pa nakakapasa sa licensure exam.