Hindi pabor ang Department of Education (DepEd) sa mungkahing tapusin na ang school year at ipasa na lamang ang lahat ng mag-aaral kasunod ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Sec. Leonor Briones, salungat ito sa layunin ng kagawaran na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga estudyante.
“Hindi kami sang-ayon sa ideya na itodo pasa ang mga bata dahil nagagawa na ito dati sa ibang mga okasyon, sa ibang krisis at nakita naman natin sa ngayon ang resulta nitong mga desisyon na ito na basta na lang ipapasa ang mga bata,” tugon ng kalihim sa mga mamamahayag.
“Ang administrasyon na ito, hindi mag-a-advocate ng automatic passing. Hindi tayo nag-a-advocate ng mass promotion dahil ‘yan, labag ‘yan sa ating mga objectives,” dagdag pa niya.
Sinuspinde ang klase sa Metro Manila hanggang Biyernes para maiwasan ang pagkalat ng kinatatakutang sakit.
Pero sa mga nag-aaral sa labas ng National Capital Region (NCR), tuloy ang final examination nila ngayong linggo.
“Sa Grade 6 at Grade 12, magkaroon sila ng examinations on Thursday and Friday. Ang mga school ang mag-schedule nito so that mako-control ang size ng classes na pupunta. But this is only for the graduating classes,” paglilinaw ni Briones.
Samantala, ipinapaubaya ng kagawaran ang idadaos na graduation sa pamunuan ng mga eskuwelahan.
“Kung kaya nilang i-implement strictly ang DOH guidelines sa health, di magpatuloy sila ng graduation, at gagawa sila ng lahat na paraan para maco-contain ang size ng crowd.”