Munting Village para sa mga Dating NPA, Itinayo ng Militar

Cauayan City, Isabela- Pansamantalang kinupkop ng pamunuan ng 95th Infantry ‘Salaknib’ Battalion ang nasa 54 na mga dating kasapi ng New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng pagpapatayo ng munting Village para sa mga ito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay LTC Gladiuz Calilan, pinuno ng 95th IB, tinawag nilang ‘Happy Ville’ ang itinayong tirahan ng mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno na piniling magpakupkop sa militar.

Ang naturang village ay binubuo ng dalawang (2) bahay na may sariling kusina at Comfort Room (CR).


Mayroon din itong hardin sa likod na pinagtulungang ginawa ng mga dating rebelde.

Sumisimbolo rin aniya ito sa pag-asa at kaligayahan na malayo sa kanilang buhay noong sila’y kasama sa makakaliwang pangkat na puno ng poot at hirap.

Ayon kay LTC Calilan, katuwang nila ang lokal na pamahalaan ng San Mariano sa pagbibigay ng tulong at pangunahing pangangailangan ng mga ito.

Katuwang din aniya nila ang ahensya ng DTI sa pagbibigay ng pagsasanay at kaalaman na kanilang magagamit para sa pagnenegosyo.

Bukod dito, tinuturuan din na magbasa at magsulat ang ilan sa mga dating rebelde gaya ng mga katutubong Agta sa pamamagitan ng kanilang inilunsad na Salaknib Basic Education Team (SABET).

Habang nasa poder ng 95th IB ang mga ito ay pinoproseso din ang ayuda ng mga hindi pa nabibigyan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan para sa kanilang pagsisimula at pagbabagong buhay.

Facebook Comments