Muntinlupa City LGU, mahigpit na ipapatupad ang pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng paputok

Binalaan ng lokal na pamahalan ng Muntinlupa ang sinumang indibidwal na susuway sa umiiral na Ordinance No. 14-092 hinggil sa pagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng mga paputok o anumang uri ng pyrotechnic sa lungsod.

Sa abiso ng Muntinlupa Local Government Unit (LGU), magpapakalat sila ng tauhan sa buong lungsod para masigurong walang lalabag sa nabanggit na ordinansa kung saan makikipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng barangay.

Ang mga mahuhuling tindahan na nagbebenta ng paputok ay maaaring matanggalan o masuspinde ang permit at license to operate.


Maaari rin silang magbayad ng multa na aabot sa P1,000 hanggang P5,000 depende sa bigat ng kanilang paglabag.

Samantala, hindi rin pinapayagan ang mga open-muffler ayon sa Muntinlupa City Traffic Code o City Ordinance 04-022.

Ang sinumang mahuhuli ay kukumpiskahin ang lisensiya at pagbabayarin ng multang aabot sa P2,500.00.

Nais ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na masigurong magiging ligtas ang mga residente nito sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon habang pinag-iingat ang lahat sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Facebook Comments