URDANETA CITY, PANGASINAN – Hindi pinayagang makapasok sa bisinidad ng Pangasinan ang Miss Universe Philippines Contingents dahil sa kakulangan ng mga ito sa dokumento sa pagbiyahe para sana sa isasagawang photoshoot sa lalawigan.
Ito ang kinumpirma ni PPO Information Officer Police Major Arturo Melchor, nang makapanayam ito ng IFM Dagupan kanina na may natanggap silang ulat na dumating umano ang grupo ng MUP nito lamang linggo, September 12, sa isang checkpoint sa Lungsod ng Urdaneta.
Nasa tatlong buses ang dumating at ilang sasakyan ng mga coordinators ang dumating sa checkpoint kung saan lulan nito ang nasa tatlumpung kandidata at kanilang mga kagamitan.
Sa naging panayam din ng IFM Dagupan kay OIC Police Major Rowell Albano ng Urdaneta City PS, sa naging pangyayari ay inabisuhan na ng Battalion Commander ng RMFB ang mga coordinator ng grupo ng MUP na nauna nang dumating sa lugar ng checkpoint na na-deny ang kanilang request upang makapasok sa bisinidad ng lalawigan dahil ayon sa Board ng Provincial IATF ay hindi umano ito essential at dahil na rin sa kakulangan ng mga dokumento.
Matapos ipaliwanag ng mabuti ng mga Urdaneta Police Personnel sa lugar ang order, rules at regulations ng Provincial IATF ay kanila din naman itong naintindihan at sinunod ang utos kung saan ay nagsabay sabay naman umano silang bumalik pauwing Manila pasado alas dose ng gabi.
Ayon naman kay Melchor, maaari pa naman silang makapasok sa lalawigan kung makukumpleto nila ang requirements at sa tamang koordinasyon mula sa grupo at sa mga board ng Provincial IATF.
Dagdag pa niya, makakakuha pa umano sila ng special security para sa kanilang pananatili dito sa probinsya.