Murang Kuryente Bill, aprubado sa committee level ng Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa committee level sa Kamara ang “Murang Kuryente” Bill na layong humugot ng pondo mula sa Malampaya para ipambayad sa utang ng National Power Corporation (NPC).

Batay sa panukala, gagamiting pambayad sa mga utang ng NPC ang P123 bilyon share ng gobyerno sa Malampaya fund.

Kabilang na rito ang stranded contract cost na naipamana sa Power Sector Assets and Liabilities Management o PSALM Corporation.


Ire-remit ang nasabing halaga sa isang special trust fund na ipapaloob din sa General Appropriations Act at pangangasiwaan ng PSALM.

Ayon kay Committee on Energy Vice Chairman Carlos Roman Uy-Barreta, tinatayang 57 centavos per kilowatt hour ang matitipid sa bill ng kuryente ng mga consumers kapag naging epektibo ang panukala.

Kung walang magiging problema, maaari aniyang maipasa ng Kamara ang nasabing panukala sa ikalawang pagbasa sa loob ng linggong ito at sa third and final reading sa susunod na linggo.

Facebook Comments