Kinumpirma ni Philippine Genome Center Executive Director Cynthia Saloma na ang mutation ng SARS-CoV-2 ay mas mabagal kumpara sa ibang mga virus tulad ng HIV.
Pero kailangan aniyang panatilihin ang mababang bilang ng transmission nito at sundin lamang lagi ang health protocols.
Kinumpirma rin ni Dr. Alethea de Guzman, Officer-in-Charge ng Epidemiology Bureau ng Department of Health na may pagbagal na sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Iniulat din ni Dr. de Guzman na sa nakalipas na dalawang linggo ay nakapagtala ng negative four percent growth rate ng mga kaso ang nakikita nila.
Ayon kay Dr. de Guzman, partikular na may pagtaas ng mga kaso ay ang Region 7 at Region 12 o Soccsksargen kaya’t kanila itong binabantayan.
Gayundin ang Caraga at Region 10 na kapwa may mga naitatala ring bahagyang pagtaas.
Sa Region 7 kabilang sa mga natukoy na may biglaang pagtaas ng kaso ay ang Cebu City, Lapu-Lapu, at Mandaue City sa Cebu kasama rin ang Bohol.
Sa Metro Manila naman aniya ay may pababang antas sa mga kaso, pero walong lungsod ang binabantayan dahil sa may naitalang pagtaas ng mga kaso.
Kabilang ang Valenzuela, Pasay, Malabon, Pasig, Makati, Navotas at Maynila.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang dahilan sa mga pagtaas pa rin ng kaso sa ilang mga rehiyon at mga lugar ay ang pagdami ng mga taong lumalabas ng kanilang mga bahay.
Nakadagdag pa aniya ang pagsisiksikan sa ilang lugar at mass gatherings na nangyari sa mga nakalipas na buwan ng Enero.
Kinumpirma rin ng DOH na gumaling na ang pasyente mula sa Pasay City na may UK variant at may anak na empleyado ng MRT-3 na nagpositibo rin sa virus.